“Dudut, Dudut, Dudut… Rodnick, Rodnick…”
Ito ang mga pangalang naririnig sa tuwing tumatakbo sina Roivince S. Resposo, mag-aaral ng Isabela National High School at Rodnick N. Acosta, mag-aaral ng Sta. Isabel National High School na kapwa manlalaro sa takbuhan ng Dibisyon ng Lungsod ng Ilagan sa isinasagawang Cagayan Valley Regional Athletic Association (CaVRAA) na ginaganap sa Cabarroguis, Quirino ngayong Pebrero 25-28.
Si Roivince o mas kilala sa tawag na Dudut ay nakilala sa larangan ng takbuhan simula nang siya ay nasa ikalawang taon sa hayskul. Taong 2012 nang mapasali siya sa CaVRAA sa mga larong 100, 200 m dash na nagkamit ng unang puwesto sa mga naturang laro at unang puwesto rin sa 4x1 relay.
Taong 2013 naman nang magpatuloy ang kanyang karera sa pagtakbo matapos niyang pangunahan ang 200 m dash at pumangalawa sa 100 m dash. Dahil sa panalong nakamit niya ay napasama siya sa mga manlalaro sa palarong Pambansa na ginanap sa Dumaguete City. Hindi nga lang umabot ang kanyang oras na pagtakbo sa binebreyk nilang record sa palaro.
Sa katatapos na City Meet ng Lungsod ng Ilagan ay napagwagia n niya ang unang puwesto sa 100, 200 m dash at 400 m run. Pinalad din siyang manalo sa 4x1 at 4x4 relay kasama ang mga mananakbo pa ng Ilagan. Dahil sa galing na ipinakikita ni Dudut ay umaasa ang buong delegasyon ng Lungsod ng Ilagan na makapag-uuwi siya ng medalyang ginto na magiging daan sa muli niyang pagsali sa palarong pambansa 2014.
Isang mahiyaing manlalaro naman kung titingnan si Rodnick. Dahil sa kapatid na si Rodrigo na sumikat din sa takbuhan ay naging daan din ito para gayahin ang larong kinahiligan ng kanyang kuya. CaVRAA at Palaro player ang kanyang kuya na pilit niyang tinutularan.
Nagsimula si Rodnick na magpakitang -gilas sa larong takbuhan sa taong 2012-2013 at pinalad na makapasok sa CaVRAA. Sa katatapos na City Meet ng Lungsod ng Ilagan ay nagawa niyang pangunahan ang 110 hurdle high jump. Ngayong CaVRAA ay sinanay din siya sa 400 low hurdle. Hindi raw niya nilaro ito sa City Meet pero nakita ng kanyang tagasanay na kaya rin niyang laruin ito.
Sa tulong ng bawat manlalaro sa takbuhan sa pangunguna nila Dudut at Rodnick, inaasahang maririnig na naman ang pangalang Dudut at Rodnick sa mga manonood ng kanilang laro ngayong CaVRAA. (MLCA)
No comments:
Post a Comment