Kung sa Pilipinas ay sikat ang mga Bombay dahil sa mga ipanauutang nila sa mga maybahay, sa loob naman ng kort ng balibol ay may isang sikat na bumbay na manlalaro ng balibol panlalaki. Siya ay si Mohammad Omar A. Riaz, mag-aaral ng ikaapat na taon ng Isabela National High School, Lungsod ng Ilagan.
Nakilala si Omar o mas kilala sa tawag na Bumbay sa larong balibol simula nang siya ay nasa ikatlong baitang. Sinanay siya ni Gng. Emelyn S. Jacob sa kanyang murang edad hanggang sa nakasanayan niya ng laruin ito. Sa baitang na tatlo hanggang apat ay hindi pa siya ipinapasok sa laro kundi bangko lang daw siya.
Nasimulan niyang makapasok sa Cagayan Valley Regional Athletic association (CaVRAA) nang siya ay nasa ikaanim na baitang na. Sa taong ito ay naipakita niya ang kanyang galing sa larong balibol at doon na rin nakilala ang taguring Bumbay sa kanya.
Ipinagpatuloy niya ang kanyang galing sa balibol nang siya ay mag-aral sa Isabela National High School. Inamin niyang mahinang manlalaro pa lamang siya nang siya ay nasa una at ikalawang taon sa hayskul. Subalit nang siya ay umabot na sa ikatlong taon ay nagpakitang-gilas na siya sa pagiging setter at spiker ng Dibisyon ng Isabela.
Ngayon ay nasa ikaapat na taon siya, lalong lumakas ang kanyang power nang isagawa ang City Meet ng Lungsod ng Ilagan. Siya na ang naging team captain at lalong nag-level-up ang kanyang galing sa pag-iispayk at pagba-block.
Napag-alaman ko sa kanya na habang siya ay naglalaro ay nakafocus lang siya sa bola at ang kanyang puhunan ay ang kanyang puso at isip sa paglalaro. Ipinaliwanag din niya na habang siya ay naglalaro ay pinag-aaralan ang bawat galaw nito.
Hindi niya makalimutan si Kuya Morris Cabauatan niya na itinuturing niyang modelo dahil sa kagalingan nito sa larong balibol. Hindi rin niya makalimutan ang kanyang naging kots dahil sa disiplinang itinuro lalo na sa paglalaro.
“Pangarap kong maging star player para makilala at para maging modelo sa mga kabataang atleta na katulad ko. Inspirasyon ko si Mama na nagtratrabaho sa abroad na may sakit sa kanyang kidney,” paliwanag pa niya.
Hindi pa raw niya nakikita ang kanyang ama na isang Pakistani subalit nakakausap naman niya sa telepono. Sabik na rin daw siyang makasama ang kanyang ama subalit imposible na raw itong mangyari.
Idinagdag pa niya na gusto niyang maging atleta pag siya ay nasa kolehiyo na subalit ayaw ng kanyang ina na siya ay mag-aral sa malayo. Kaya’t kahit sa Saint Ferdinand College siya papasok sa kolehiyo ay susubukan daw niyang maging atleta rito.( MLCA )
I think this is an article made by an Isabela National High School award-winning teacher. God bless po and more power!
ReplyDelete